Sa unang pagkakataon na nanirahan ako sa labas ng Asya, ngayon ko lubusang nakita ang katotohanan ukol sa sinasabi nilang “Ethnic Pecking Order”. Sa totoo lang, matagal ko na itong alam at tanggap, kung saan ang mga puti ang nasa itaas, samantalang ang mga may kulay ang balat ang nasa ilalim. Pero sa pagkakataong ito, kung saan sa bansang aking kinaroroonan ay nagkalat ang mga kabayang naninilbihan sa industiyang serbisyo, mas lalong kapansin-pansin ang katotohanan sa nasabing teorya.
Kung babalikan natin ang pinagmaulan nito, masasabi kong ito ay nag-ugat na sa kasaysayan kung saan naunang naging sibilasdo ang mga puti na sumakop sa kabilang kontinente na kinaroroonan ng mga may kulay and balat. Matapos ang mahigat dalawang libong taon ay masasabi kong patuloy pa rin ang pananaig ng paksa. Pero sa pagkakataong ito, naging mas positibo ang pananaw ko sa masakit na katotohanang ito.
Una, bilang isang mamayan ng nasyon na lubos ang kasikatan sa kahirapan, korupsyon, kwestiyonableng seguridad ng bansa at kung anu-ano pang negatibong mga opinyon (at katotohanan na rin), nagiging hamon ang mga balakid na ito upang ipakita natin sa mundo na hindi nasusukat ng mga nakalulungkot na katotohanang ito ang ating galing at pagkatao bilang isang indibidwal. Nagiging paraan din ito upang mas lalo pa nating ibuhos ang ating kabuuan upang ipamalas sa kapaligiran ang ating kakayanan na maaring sa iba ay kagulat-gulat. Nagiging layunin natin ang ipamukha sa lahat na nagkakamali sila kung ang natatanging tingin nila sa ating lahi ay yung mga bagay na tuwirang negatibo. At ang masarap dito ay kung sa huli ay ating lubusang napagtatagumpayan ang bawat pagkakataon na kanilang sinusukat ang ating kakyanan sa kulay ng ating balat.
Ikalawa, ang sarap din ng pakiramdam na magtanga-tangahan sa simula at sa huli ay gulatin sila na higit pa tayong may aking galing kumpara sa kaya nilang ipakita sa mundo. Nagmumula ang pakiramdam na ito sa bansag ng iba bilang “dark horse” or “underdog” na kung sa huli ay matamo ang tagumpay, tunay na napakasarap ng pakiramdam – pawang emosyon na hindi mo ipagpapalit. At sa pagkakataong ito ay matatamo mo ang respeto ng mga taong di nag-akala na kakayanin mo ang simpleng pagsubok – ito yung tipong masasabi mo na lang sa isip mo ang mga katagang “akala mo ha, buti nga sayo”!
Ikatlo, para sa akin ay mas nagiging proud ka bilang isang Pinoy. Kung sa simula ay naglalakad ka ng nakatungo, ngayon ay mas confident kang itaas ang iyong noo at ipagmalaki ang lahi na iyong pinangmulan. Maging anuman ang iyong trabaho o kalagayan sa buhay, di dapat ito ang maging sukatan ng iyong galing at kaalaman. At dahil mas higit ang hamong ito kumpara sa mga dinaranas ng mga puti, lokal at Asyanong mula sa first world countries, mas mapagpalaya at inspiring ang resulta kapag nasa kamay mo na ito.
Posted by lifedefiningpicks 










































































